-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na ang mga menor de edad na naaresto sa naganap na marahas na protesta laban sa korapsiyon noong Setyembre 21 ay dapat sumailalim sa rehabilitation at counseling.

Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., 55 na mga menor de edad at 25 na mga adults na naaresto ay pinalaya na alinsunod sa batas, partikular sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Sinabi naman ni Manila Mayor Isko Moreno na ang mga menor de edad ay kailangan dalhin sa Manila Department of Social Welfare upang magsagawa ng community service gaya ng cleanup drives bilang bahagi ng kanilang rehabilitation, reintegration, at diversion.

Binigyang-diin ni Nartatez na mahalaga ang pananagutan, ngunit dapat din bigyang-pansin ang wastong paggabay at rehabilitasyon para sa mga kabataan.

Hinimok din ng PNP ang mga magulang, tagapag-alaga, at lokal na opisyal na maging aktibo sa paggabay sa mga kabataan upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.

Para naman sa 25 na mga adults na naaresto, iniutos ni Nartatez na makipag-ugnayan nang maigi ang mga imbestigador sa mga prosekusyon upang matiyak ang wastong pag-file ng kaso.