-- Advertisements --

Ipinanukala ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng Universal Social Pension sa lahat ng mga senior citizen sa bansa, anuman ang kanilang kalagayang pinansyal o antas ng kabuhayan.

Sa pamamagitan ng House Bill 1296, iminungkahi ni Santos na tuluyan nang alisin ang kasalukuyang requirements ng “indigency” o pagiging mahirap sa umiiral na batas.

Layon ng hakbang na ito na masiguro na walang sinumang lolo o lola ang mapag-iwanan sa pagtanggap ng nararapat na tulong pinansyal.

Sa madaling salita, nais niyang palawakin ang saklaw ng pensyon upang masakop ang lahat ng mga senior citizen, hindi lamang yaong mga itinuturing na mahihirap.

Sa kasalukuyang sistema, tanging mga indigent senior citizens lamang ang tumatanggap ng ₱1,000 na pensyon na nagmumula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Punto ng mambabatas na ang halagang ito ay hindi sapat upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kaya naman, sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng Pilipinong nasa edad 60 pataas ay magiging karapat-dapat na tumanggap ng pensyon.

Ang halaga ng pensyon na ito ay iaangkop o ibabatay sa antas ng inflation at sa kasalukuyang cost of living upang matiyak na sapat ito upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.