-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga indibidwal na nagsimula ng kaguluhan at karahasan sa isang mapayapang kilos-protesta nitong Linggo, at tiniyak na mananagot ang lahat ng sangkot sa gulo.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na karamihan sa mga lumahok sa kilos-protesta ay mapayapang ipinaabot ang kanilang hinaing, subalit ilang grupo ang nanggulo, partikular sa bahagi ng Mendiola.

“Peaceful rally, nasamahan lang ng iilang nais manggulo. Mananagot ang lahat. Iyan ang nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng sino mang gumamit ng karahasan sa naganap na peaceful rally noong Linggo,” pahayag ni Castro.

Ayon kay Castro, hindi naging hadlang ang Pangulo sa malawakang kilos-protesta, at kinikilala niya ang lehitimong galit ng taumbayan laban sa korapsyon, lalo na sa mga proyekto ng gobyerno.

Ngunit binigyang-diin niya na kinokondena ng administrasyon ang paggamit sa mga kabataan ng mga grupong aniya’y nagkukubli sa likod ng itim na maskara upang manggulo.

“‘Team Itim’ kung maituturing — hindi sila raliyista na may lehitimong adhikain laban sa korapsyon kundi gumawa lang ng karahasan, magnakaw, manunog at manira,” dagdag ni Castro.

Nagbabala rin si Castro sa mga nasa likod ng mga mapanlinlang na kilos.

“Hindi kayo makakalagpas sa kamay ng batas at ang mga tao sa inyong likuran na gumamit sa inyo – mga gahaman sa kapangyarihan. Hindi kayo dapat paligtasin. Hustisya ang uusig sa inyo,” aniya.

Ayon kay Castro, patuloy ang administrasyon sa kampanya nito laban sa katiwalian, sa pamumuno mismo ni Pangulong Marcos na unang nag-utos ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects.

“Magpapatuloy din ang Pangulo sa naumpisahan na ito, at sa tulong ng taumbayan na magiging matapang sa pagbunyag ng katotohanan, ang pang-aabuso sa kaban ng bayan ay mailalantad at malalabanan,” pahayag ni Castro.