-- Advertisements --

Nanawagan ang Sangguniang Bayan ng Kalayaan sa Senado na tanggalin mula sa opisyal na rekord ang pahayag na nagmumungkahi ng pagsuko sa Kalayaan Island Group (KIG).

Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na natanggap na ng kanyang tanggapan ang resolusyon at kasalukuyang pinag-aaralan ang mga kinakailangang proseso.

Ayon kay Sotto, maaaring mangailangan ito ng hiwalay na pamamaraan dahil ang kontrobersyal na pahayag ay lumabas sa isang hearing ng Commission on Appointments (CA).

Magugunitang sa naturang pagdinig, sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na dapat i-give up ang KIG dahil umano’y wala ito sa exclusive economic zone ng bansa.

Kalaunan ay binawi ng senador ang kanyang pahayag at iginiit na ito ay na-misinterpret.

Nanindigan naman ang mga lokal na opisyal ng Kalayaan na hindi maaaring isuko ang kahit isang pulgada ng kanilang teritoryo at tinawag nila itong “historical error” na dapat maitama.

Dagdag na datos, kamakailan ay ginawaran ng West Philippine Sea Heroes Award ang mga opisyal ng Kalayaan na tinaguriang “Kalayaan 16” dahil sa kanilang matapang na paninindigan laban sa Chinese aggression.

Bukod dito, ilang mambabatas ang naghain ng resolusyon upang kilalanin ang mga residente ng Kalayaan bilang Outstanding Filipinos of 2026.

Ang isyu ay patuloy na nagiging sentro ng diskusyon sa Senado at sa lokal na pamahalaan, na parehong naninindigan na dapat ipagtanggol ang Kalayaan Island Group bilang bahagi ng soberanya ng Pilipinas.