Matagal nang nagsisikap si Pangulong Marcos Jr. upang ayusin at linisin ang mga problemang iniwan ng nakaraang administrasyon.
Tugon ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro sa panawagan ng United People’s Initiative na nananawagan kay Pangulong Marcos na gumawa ng hakbang para maibalik ang kumpiyansa ng publiko kasunod ng kontrobersiya sa flood control projects.
Sinabi ni Castro na huwag kalimutan ng publiko na si Pangulong Marcos ang nagpasimula ng malalimang imbestigasyon upang ipakita sa taumbayan na kaisa siya sa laban kontra korapsyon.
Binigyang-diin ni USec. Castro na ang mga nagnanais na mapatalsik sa puwesto ang Pangulo ay yaong mga indibidwal at grupo na maaaring naapektuhan o tinatamaan ng mga imbestigasyong ito.
Sa ngayon, unti-unti nang lumalabas ang mga ebidensya, kaya huwag nating hayaang muling padilimin ang sitwasyon ng mga grupong nagtatangkang pigilan ang pagpapanagot sa mga maysala.
Punto ni Castro na kapag nagbago ang liderato, posibleng hindi na maipagpatuloy ang mga imbestigasyon at mabigyan ng pagkakataong makaligtas ang mga tiwali.
















