Muling nagsanib-puwersa ang Armed Forces of the Philippines (AFP), United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM), at Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) para sa panibagong iteration ng Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) na isinagawa sa West Philippine Sea noong Nobyembre 14 hanggang 15, 2025.
Ito na ang ikawalong MMCA ngayong taon at ika-13 mula nang itatag ang naturang serye ng pagsasanib-ehersisyo.
Sa panig ng Pilipinas, idineploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang BRP Jose Rizal (FF150), BRP Antonio Luna (FF151), at isang AW159 helicopter.
Ang US, lumahok ang kanilang Nimitz Carrier Strike Group na binubuo ng USS Nimitz (CVN68), USS Wayne Meyer (DDG108), USS Gridley (DDG101), at USS Lenah Sutcliffe Higbee (DDG123).
Samantala, kinatawan ng JMSDF ang JS Akebono (DD-108) at isang SH-60K Seahawk helicopter.
Nagbigay-suporta rin ang Philippine Coast Guard gamit ang BRP Melchora Aquino (MRRV 9702) at BRP Cape San Agustin (MRRV 4408), na mahalaga ang naging papel sa pagpapalakas ng Maritime Domain Awareness (MDA) sa West Philippine Sea.
Tampok sa aktibidad ang magkakasunod na koordinadong operasyon sa dagat at himpapawid gaya ng Rendezvous Time, Communication Check Exercise, MDA Contact Reporting, Resupply at Sea Approach, Anti-Submarine Warfare Exercise, Cross-deck Landing Exercise, Division Tactics/Officer of the Watch Maneuver na sinabayan ng Photo Exercise, at Final Exercise (FINEX).
Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AAFP), ipinakikita ng nagpapatuloy na MMCA series ang matibay nitong pangako sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng Pilipinas at sa pagpapahusay ng collective defense readiness kasama ang mga kaalyadong bansa.
Binibigyang-diin din ng mga aktibidad na ito ang determinasyon ng Pilipinas na protektahan ang mga karagatang saklaw nito, habang pinalalakas ang pagpigil sa banta, pagpapalawak ng interoperability, at pagsusulong ng malayang paglalayag alinsunod sa rules-based international order sa Indo-Pacific region.










