Sa kauna-unahang pagkakataon sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pormal na ibinigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang limang makabagong, battery-operated, ultra-portable AI X-ray units sa Philippine Navy (PN).
Pinangunahan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang ceremonial handover na tinanggap ni Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta.
Ayon kay GM Robles, “These units aren’t just gadgets; they are lifesavers designed to go wherever the Navy goes—from remote outposts to the middle of the sea.”
Ang mga unit na may bigat na 2.4 kg ay nagtatakda ng bagong pamantayan sa “mobility.” Hindi tulad ng tradisyunal na X-ray machines na nangangailangan ng hospital wing at malaking power grid, ang mga ito ay battery-powered at dinisenyo para sa front lines.
May built-in artificial intelligence ang mga portable X-ray na nagbibigay ng instant diagnostic leads, na mahalaga sa emergency situations sa mga sea-borne vessels.
Hindi rin ito umaasa sa fixed power source, kaya’t handa ang Navy sa medical response kahit sa pinaka-isolated maritime environments.
Binigyang-diin ni GM Robles na ang donasyon ay bahagi ng Medical Equipment Donation Program (MEDP) na pinondohan mula sa suporta ng publiko sa PCSO gaming products.
“At PCSO, every peso has a purpose. This is the first of its kind in the entire AFP, and it ensures our sailors and marines have top-tier diagnostics even in the middle of the ocean,” dagdag pa niya.
Itinuring naman ni Vice Admiral Ezpeleta ang donasyon bilang critical upgrade sa disaster response at combat casualty care ng Navy. Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, maari nang magsagawa ng on-site diagnosis ng mga sakit gaya ng TB, na nagbabawas sa panganib ng medical evacuations.
Ayon kay GM Robles, ang hakbang na ito ay patunay ng patuloy na commitment ng PCSO sa pagpapalakas ng mga institusyong naglilingkod sa mamamayan, lalo na sa mga lugar na may limitadong resources.
















