Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro bilang Special Envoy upang pangunahan ang mga hakbang para sa mapayapang paglutas ng krisis sa Myanmar, bilang paghahanda sa pagkapangulo ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa 2026.
Sa official launching ng ASEAN Chairship ng Pilipinas, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na patuloy na pangungunahan ng bansa ang adhikain para sa kapayapaan, katatagan sa pamamagitan ng dayalogo, pagtalima sa internasyonal na batas, at mas pinalakas na kooperasyon sa mga usaping pangseguridad tradisyonal man o non-tradisyonal.
Sinabi ng Pangulo na ang haranging magkaroon ng regional peace and stability ay nakaugat sa mga pundasyong prinsipyo ng ASEAN, ang Treaty of Amity and Cooperation (TAC), at ang United Nations Charter.
Ipinahayag din ng Pangulo ang kaniyang tiwala na magdadala si Lazaro ng “konstruktibo, prinsipled, at inklusibong pananaw” sa pagsuporta sa mamamayan ng Myanmar, alinsunod sa kaniyang mandato at sa ASEAN Five-Point Consensus (5PC).
Ang 5PC, na pinagtibay ng mga lider ng ASEAN noong 2021, ay nagsisilbing roadmap para sa kapayapaan sa Myanmar. Ito ay binubuo ng:Agarang pagtigil ng karahasan;Konstruktibong dayalogo para sa mapayapang solusyon;Mediation na pangungunahan ng isang ASEAN Special Envoy; Humanitarian assistance mula sa ASEAN; atPakikipagpulong ng Special Envoy sa lahat ng kinauukulang panig sa Myanmar.
Dagdag ni Pangulong Marcos, kasabay ng pagkapangulo ng Pilipinas sa ASEAN sa susunod na taon ay ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng TAC isang simbolo ng limampung taong kooperasyon at dayalogo sa rehiyon at sa labas nito.















