-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na sapat ang ipinatutupad na seguridad upang maiwasan ang anumang kaguluhan kasunod ng mga kilos-protesta.

Ito ang binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.

Ang tugon ni Castro ay kasunod ng aberyang naganap sa Mendiola Street noong Setyembre 21 rally.

Sa isang panayam sinabi ni Castro, sapat ang ginagawang preparasyon ng mga otoridad kaugnay sa rally.

Dagdag pa niya, ang mga paghahandang ito ay hindi lamang para sa seguridad ng Malacañang kundi para rin sa kaligtasan ng mga taong nasa paligid nito.

Paliwanag ni Castro na hindi lang naman ang Malacañang ang pinoprotektahan kundi ang maraming taong maaaring madamay tulad noon.

Nanindigan din ang opisyal na handa ang kapulisan para sa inaasahang serye ng protesta.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) higit 16,000 pulis ang kanilang dineploy para sa tatlong-araw na anti-corruption protest na tatagal hanggang Martes, Nobyembre 18.

Naka-full alert status din ang National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang seguridad ng publiko sa sunod-sunod na kilos-protesta.