-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na 312 pampublikong paaralan ang nagtamo ng pinsala matapos ang hagupit ng Super Typhoon Uwan, na matinding tumama sa Bicol at Calabarzon.

Batay sa ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, 1,182 silid-aralan ang may bahagyang pinsala, 366 ang nagtamo ng malaking pinsala at 261 ang tuluyang nawasak.

Patuloy pa ang beripikasyon ng mga datos mula sa mga rehiyon.

Tiniyak naman ni Education Secretary Sonny Angara na nakatuon ang DepEd sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro at sa tuloy-tuloy na pag-aaral sa mga apektadong lugar.

Nakikiisa rin aniya ang kagawaran sa mga pamilyang naapektuhan ng mga bagyong Uwan at Tino.

Sa ngayon, 5,572 silid-aralan sa 1,072 paaralan ang ginagamit bilang evacuation centers sa 11 rehiyon.

Naglaan din ang DepEd ng P20.2 milyon para sa clean-up operations at P57.9 milyon para sa minor repairs, habang ipinatutupad ang Alternative Delivery Modes upang matiyak na hindi matitigil ang pag-aaral sa mga apektadong paaralan.