Bumwelta ang Malacañang kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co hinggil sa kaniyang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro ang mga pahayg nito ay mga “kasinungalingan at propaganda”, at umano’y lalo lamang nagpapabigat sa kaniyang pananagutan sa bayan.
Giit ni Castro malinaw umanong umamin ang dating mambabatas sa sarili nitong papel sa sinasabing mga “insertions” sa panukalang Budget 2025.
Sinabi ni Castro hindi maikakaila na ang mga pagbabago sa National Expenditure Program (NEP) 2025 ang dahilan kung bakit nagalit ang Pangulo at nagpasya itong mag-veto ng ilang line items na may kabuuang ₱194 bilyon.
Dahil dito, iginiit ng kampo ng Pangulo na taliwas umano sa pahayag ni Co ang sinasabing ₱100 bilyong insertion.
Ayaw patulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga akusasyon ni dating Congressman Zaldy Co hinggil sa maanumalyang bilyon-bilyon pisong mga flood confrol project.
Inihayag ito ni PBBM sa mga mamahayag sa kanyang pagbisita sa Negros Occidental kahapon upang pangasiwaan ang patuloy na relief at rehabilitation efforts pagkatapos ng Bagyong Tino.
Ayon sa Pangulo, hindi karapat-dapat sagutin ang mga naturang akusasyon.
Binatikos rin ng Malacañang ang mga litratong ipinakita ni Co na may petsang Enero, Mayo, Hunyo, Agosto at Oktubre 2024.
Sinabi ni Castro kung ang umano’y insertions ay para sa Budget 2025 at sinasabing pinag-usapan noong 2024 “nang magsimula ang BICAM,” ay malinaw umano na salungat ito sa aktwal na timeline dahil Nobyembre 2024 pa nagbukas ang BICAM Conference para sa 2025 budget.
Dahil dito, kinuwestiyon ng kampo ng Pangulo kung paano umano nade-deliver ang mga “maleta” noong mga buwang nabanggit kung hindi pa nagsisimula ang BICAM.
Dagdag pa nila, hindi rin umano malinaw kung saan galing ang pera sa 2024 kung ang inaangkin ni Co ay mula sa Budget 2025.
Hinamon ng Malacañang si Co na patunayan ang kaniyang mga alegasyon, lalo na ang pahayag nitong wala siyang kinupit na pondo kahit may hawak siyang kapangyarihan sa paglalagay ng proyekto sa budget.
Bunsod ng umano’y magkakasalungat na pahayag at ebidensya.
Giit ng Malacañang, nararapat lamang daw na mismong si Co ang imbestigahan upang “malinawan ang pinagmumulan ng kaniyang sinasabing kuwento at kasinungalingan.”










