Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na dapat ibigay sa tamang oras ang final pay at Certificate of Employment (COE) ng mga manggagawa, dahil kung hindi ay maaari silang maharap sa reklamo at parusa.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa.
Batay sa datos ng DOLE, ang usapin sa final pay ang nangungunang reklamo noong 2025, na may 23,496 na kaso mula sa 168,853 na natanggap ng kanilang Hotline 1349.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 06, Series of 2020, dapat ibigay ang final pay sa loob ng 30 araw mula sa pag-alis ng empleyado, habang ang COE ay kailangang ilabas sa loob ng tatlong araw mula sa kahilingan.
Saklaw ng final pay ang lahat ng sahod at benepisyo gaya ng unpaid wages, pro-rated 13th month pay, separation o retirement pay, at bayad sa hindi nagamit na leave.
Hinimok din ng DOLE ang mga manggagawang hindi pa nakatatanggap ng kanilang final pay o COE na tumawag sa Hotline 1349, mag-email sa hotline1349@dole.gov.ph, o makipag-ugnayan sa opisyal na Facebook page ng ahensya.
















