-- Advertisements --

Personal na tinungo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Negros Occidental upang alamin ang pangangailangan ng mga pamilyang matinding naapektuhan ng Bagyong Tino at para tingnan ang lawak ng pinsalang iniwan nito sa lalawigan.

Isa sa mga unang lugar na ininspeksyon ng Pangulo ang Jose Pepito Montilla Garcia Sr. National High School (JPMGS NHS) sa Brgy. 1, bayan ng Moises Padilla, kung saan karamihan ng silid-aralan ang nalubog sa baha.

Sa panayam, hindi napigilan nina Moises Padilla Public Schools District Supervisor Gideon Panganiban at JPMGS NHS Principal Mary Grace Ynion ang maging emosyonal habang isinasalaysay ang kanilang karanasan sa gitna ng kalamidad.

Nagpaabot sila ng taos-pusong pasasalamat sa Pangulo sa personal nitong pagdating at pag-aasikaso sa kanilang sitwasyon.

Mayroong 1,257 na estudyante ang kasalukuyang naka-enroll sa paaralan. Dahil sa pinsalang dulot ng bagyo, napilitan ang mga guro at mag-aaral na gumamit ng alternatibong paraan ng pagtuturo upang maipagpatuloy ang klase.

Mula sa paaralan, nagtungo ang Pangulo sa Barangay Poblacion upang bisitahin ang mga residenteng nawalan ng tirahan at personal na suriin ang mga nasirang kabahayan.

Nagpatuloy ang pag-iikot ng Pangulo sa bayan ng La Castellana, kung saan dinalaw niya ang mga evacuees na pansamantalang naninirahan sa La Castellana Elementary School (LCES).

Ayon sa Department of Social Welfare of Development (DSWD), nasa 307 pamilya o 1,117 katao ang kasalukuyang nanunuluyan doon.

Ininspeksyon din ng Pangulo ang Bungahin Steel Bridge sa Brgy. Robles na bumagsak sa kasagsagan ng Bagyong Tino, dahilan upang maputol ang koneksyon sa pagitan ng mga upland barangay at kabayanan.

Matapos ang serye ng inspeksyon, nagsagawa si Pangulong Marcos ng situation briefing sa La Castellana Municipal Hall kasama ang mga miyembro ng Gabinete mula sa Department of Energy, Department of Education, Department of Health, Department of Agriculture, Department of Human Settlements and Urban Development, DSWD, at mga lokal na opisyal upang tukuyin ang mga kinakailangang hakbang para sa agarang rehabilitasyon.

Bilang tugon, naglaan ang Pangulo ng PhP95 milyon na pondo para sa pagpapanumbalik at rehabilitasyon ng mga apektadong bayan sa Negros Occidental.

Sa nasabing halaga, PhP50 milyon ang para sa lalawigan ng Negros Occidental habang nasa PhP10 milyon bawat isa para sa La Carlota City, La Castellana, at Moises Padilla.

Samantala, PhP5 milyon ang nilaan bawat isa para sa Binalbagan, Isabela, at Hinigaran.