-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine Sports Commission ang pagtaas ng monthly stipend na natatanggap ng mga manlalarong Pilipino.

Ayon sa bagong chairman ng PSC na si Patrick “Pato” Gregorio, tataasan na ng limang libong piso (P5,000) ang buwanang allowance ng mga manlalaro.

Marami sa mga Filipino athletes aniya ay tumatanggap lamang ng P10,000 kada buwan, na mas mababa pa kumpara sa minimum wage sa bansa.

Ang dagdag na P5,000 monthly allowance ay mangangailangan ng kabuuang P10 million na pondo kada-buwan. Gayonpaman, may mga kaibigan aniya ang komisyon sa Kongreso na tiyak na magbibigay ng karagdagang para sa ahensiya.

Maliban sa dagdag na allowance, tiniyak din ni Gregorio ang mas mabilis na pagproseso sa pagpapalabas ng mga monthly stipend ng mga national athlete.

Magtatatag aniya ang PSC ng isang round-the-clock help desk para sa national team para matugunan kaagad ang pangangailangan ng mga manlalarong Pinoy, kasama na ang kanilang pagkain.

Ayon pa sa bagong pinuno ng PSC, palalawakin din ng ng komisyon ang serbisyo ng mga sports facilities ng pamahalaan tulad ng Rizal Memorial Sports Complex sa Manila, PhilSports Complex sa Pasig, at ang training center sa Baguio City. (REPORT BY BOMBO JAI)