Tinitingnan ng Philippine Red Cross (PRC) ang posibilidad na maglagay sila ng COVID-19 saliva RT-PCR test sa mga malalaking shopping malls sa bansa.

-- Advertisement --

Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Paulyn Ubial, head ng Molecular Laboratory ng PRC, na mas maraming tao ang maaring makapag-avail ng saliva test kapag maging available na ito sa mga malalaking shopping malls.

Ayon kay Ubial, mas mura rin ang saliva test, na nagkakahalaga lamang ng P2,000, kung ikukumpara sa swab na RT-PCR test.

Sakaling matuloy ang planong ito, sinabi ni Ubial na maaring isagawa ang saliva test sa mga parking lots ng shopping malls.

Sa ngayon, ang saliva test, na inilunsad noong nakaraang linggo, ay available lamang sa opisina ng PRC sa Mandaluyong City at Port Area, Manila.

Target ng PRC na gawing available ang COVID-19 saliva test sa lahat ng mga laboratoryo nito sa buong bansa simula Pebrero, ayon sa chairman nito na si Sen. Richard Gordon.

Sa mga nagnanais na sumailalim sa saliva test, sinabi ni Ubial na kailangan na magpa-book muna ng appointment online sa website ng PRC.

Pinaalalahanan din nito ang mga sasailalim sa naturang test na huwag kumain, uminom o mag toothbrush 30 minuto bago ang scheduled test.