-- Advertisements --

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa idaraos na ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Dito, sisiguraduhin nilang maipapatupad ang maximum tolerance para masiguro ang mapayapang pagtitipon ng mga magpoprotesta sa mismong araw ng SONA.

Mahigit 5,000 sa Civil Management Disturbance personnel at karagdagang 681 standby personnel ang idedeploy para sa crown control measures.

Ayon kay NCRPO spokesperson PMaj. Hazel Asilo, nakahanda na rin ang nasa mahigit 15,000 kapulisan sa rehiyon na idedeploy para tiyakin ang seguridad sa paggaganapan mismo ng SONA sa Batasan Complex, sa mga rutang daraanan ng mga VIP, sa mga lugar na itinalaga para sa mga magpoprotesta, sa media zones at medical evacuation points.

Ang ibang mga pulis naman ay itatalaga sa border control points, checkpoints, landing zones at advance command posts.