-- Advertisements --


Naniniwala ang mga kinatawan ng House prosecution panel na magbabago ang isip ng maraming Pilipino tungkol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na magsimula ang aktwal na paglilitis sa Senado.

Ayon kina Rep. Leila de Lima (Mamamayang Liberal party-list) at Batangas Rep. Gerville Luistro, ang pagpapakita ng ebidensya sa publiko ang magiging susi para maunawaan ang bigat ng mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Ani De Lima, nananalig sila na kapag nakita na ang ebidensya, mag-iiba ang pananaw ng ilan na ngayon ay tutol pa sa impeachmen.

Maaaring naimpluwensyahan sila aniya ng disinformation at ilang pahayag ng mga senator-judges na parang nagpe-prejudge na kahit wala pang paglilitis.

Giit ni Luistro, may sapat at matibay na ebidensya ang pitong artikulo ng impeachment.

Sa oras na makapagsimula kami at mailahad sa publiko ang ebidensya, naniniwala ang ilang mga mambabatas na maraming Pilipino ang magbabago ng pananaw. Kaya mahalagang ituloy na ang paglilitis.

Ang mga senador ang magsisilbing hukom sa paglilitis na magtatakda kung guilty o hindi si VP Duterte sa mga ibinibintang sa kanya. (REPORT BY BOMBO JAI)