Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi makakaantala sa diving operation ng Department of Justice (DOJ) ang banta ng pagputok ng bulkang Taal.
Ngayong araw (July 10) ay sinimulan na ng DOJ ang paghahanap at pagsisid sa mga labi ng mga nawawalang sabungero na unang napaulat na itinapon sa naturang lawa.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, hindi makaka-apekto sa mga magsasagawa ng pagsisid kung mangyayari man ang pagputok ng Taal volcano, kasabay ng patuloy na pagtaas ng seismic activities nito.
Paliwanag ng opisyal, ang Taal Lake, kung saan isinasagawa ang pagsisid, ay malayo na sa Taal volcano island. Ito ang nagsisilbing permanent danger zone ng bulkan, at sa kasalukuyan ay ipinagbabawal ang matagal na pananatili rito.
Ang lawa aniya ay malayo na sa danger zone, habang marami na ring mga mangingisda na regular na nagtutungo rito.
Una nang sinabi ni Phivolcs volcanologist Dr. Paul Alanis, na maaaring mangyari ang panibagong pagputok sa mga susunod na araw kung magpatuloy na tataas ang pressure sa loob ng bulkang Taal, dala ng hindi makasingaw na volcanic gas.
Gayunpaman, naniniwala ang opisyal na kung mangyayari man ang pagputok ay posibleng aabot lamang sa buong isla at maaaring hindi na labis na maka-apekto sa mga komunidad sa palibot nito.