Pinagaaralan ng kapulisan ang posibleng paghahain ng mga kaso laban sa protesters na nagbato ng putik at nagsagawa ng bandalismo sa St. Gerrard Construction building sa Pasig City na pagmamay-ari ng contractors na Discaya.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General. Anthony Aberin, nagkasa ang mga nagprotesta ng lightning protest nang walang permit na tinugunan naman nila ng pagpapatupad ng maximum tolerance sa lugar.
Itinanggi din ng police official na hinayaan lang ng mga kapulisan ang mga nagpro-protesta at hindi nakialam o pinigilan ang mga ito.
Paliwanag ng NCRPO chief na hindi na nila naabutan pa ang mga nagsagawa ng lightning protest subalit sakali man aniyang nadatnan nila ang mga ito ay paniguradong aarestuhin nila ang mga ito.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Eastern Police District sa pamilya Discaya para sa posibleng pagsasampa ng pormal na reklamo. Nauna ng kinumpirma ni Atty. Cornelio Samaniego III, abogado ng Discaya na magsasampa sila ng kaso laban sa mga nagprotesta.
Sa kabila naman ng nangyaring protesta, pinabulaanan ng NCRPO chief na tumataas ang kaso ng demonstrasyon at tiniyak na nakahanda sila sa anumang mga kaganapan.