-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na ililipat ang mga kasong kinakaharap ng kontratistang si Sarah Discaya mula korte sa Mindanao tungo pa-Visayas.

Sa pagtatanong kay Atty. Polo Martinez, Justice Spokesperson, aniya’y ang mga kasong nasa Regional Trial Court ng Malita, Davao Occidental ay dadalhin sa Lapu-lapu City ng Cebu.

Ito’y kasunod lamang nang ilipat mula Digos City pa-Regional Trial Court ng Malita ang mga kasong ‘malversation of public funds through falsification of public documents’ at paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kung maaalala, sa inilabas na pahayag ng Katataas-taasang Hukuman, ipinaliwanag ni Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na ang paglipat o ‘transmittal’ sa mga kaso ay buhat nang sa Malita naman isinampa ng Office of the Ombudsman ang mga ito at tanging Digos Regional Trial Court lamang ang tumanggap.

Magugunitang inihain ng Ombudsman ang mga kasong ‘graft’ at ‘malversation’ nag-ugat sa pagkakasangkot nito sa umano’y ghost infrastructure project sa Davao Occidental pinondohan ng aabot sa halagang halos 100-milyon piso.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Department of Justice na si Atty. Polo Martinez, ang paglilipat ng mga kaso ay inisyatibo ng korte kaugnay sa itinalagang mga espesyal na korte na tututok sa mga kasong may kinalaman sa flood control projects anomalies.

Subalit aminado siyang walang katiyakan kung ilalabas o maiisyuhan na ng arrest warrant ang kontratistang si Sarah Discaya.

Nasa korte na aniya ang desisyon kung kailan ipaaaresto ang naturang akusado.

Sa kasalukuyan, si Sarah Discaya ay nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation matapos itong boluntaryong isuko ang sarili sa kawanihan.

Pansamantala siyang nakalabas kahapon, ika-16 ng Disyembre, upang humarap sa pagdinig ng iba pa nitong mga kasong kinakaharap tulad ng ‘graft’ at ‘theft’ sa lungsod ng Malabon.