Inalerto na ng gobyerno ng Pilipinas ang counterparts nito sa Portugal at iba pang mga bansa para matunton at maibalik na sa Pilipinas ang nagbitiw na si dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co, na idineklara ng isang pugante.
Nauna ng isiniwalat ni Sec. Remulla na namonitor ang huling lokasyon ni Co sa Portugal.
Ayon sa kalihim, lahat ng mga bansa at lahat ng centers for transnational crimes sa buong mundo ay naimpormahan na kaugnay sa pagkansela ng pasaporte ni Co.
Inamin naman ni Remulla na matagal at mabagal ang proseso pagdating sa international law, subalit nakikipag-ugnayan na aniya sila sa kanilang counterparts.
Sa panig naman ni Co, nauna na niyang itinanggi ang mga akusasyon laban sa kaniya at sa halip, itinuro si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa likod umano ng P100 bilyong budget insertions sa 2025 national budget para sa infrastructure projects, na tinawag naman ng Palasyo Malacañang na walang basehan at pawang haka-haka lamang.
Matatandaan, isa si Co sa 16 na akusado sa kasong graft and malversation may kinalaman sa maanomaliyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Mula sa mga kapwa akusado ni Co, siyam dito ang nasa kustodiya na ng gobyerno at nag-plead ng not guilty sa Sandiganbayan.
















