CAGAYAN DE ORO CITY – Nanggagalaiti sa galit at sobrang kahihiyan ang nararamdaman ni Police Regional Office-10 director B/Gen. Rolando Anduyan sa police official na nag-amok sa isang resto bar dito sa lungsod.

Kasabay nito ang pagtiyak ni ANduyan na maaalis sa serbisyo si Police Capt Calvin Nario, 35-anyos na nakadestino sa Butuan City Police Office.

Nahaharap sa tatlong kasong kriminal ang nasabing police official na kinabibilangan ng grave threat, physical injury at acts of lasciviousness, dahil sa ginawa nitong iskandalo sa loob ng Jakko’s Grill.

Kung maaalala, nakipag-inuman ang pulis kasama ang iba pang kalalakihan nang biglang hinila nito ang buhok ng isang waiter at sinuntok.

Naglabas din umano ito ng baril na mapapatunayan sa kuha ng closed circuit television footage.

-- Advertisement --

Lumabas din sa report na diumano’y isang babaeng kustomer ang hinaras nito sa pamamagitan ng paghawak sa kamay na walang pahintulot, pinilit din daw na kunin ang kanyang contact number, at sinundan pa siya sa banyo.