-- Advertisements --

Binigyan ni National Police Commission (NAPOLCOM) Executive Director Rafael Vicente Calinisan ng gradong 9.9 si Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Nicolas Torre III.

Ito ay para sa halos isang buwang pamumuno ng heneral mula noong italaga siyang pinuno ng pambansang pulisya noong Mayo 29, 2025.

Paliwanag ni Calinisan na ang halos perfect grade ng PNP Chief ay dahil sa mga inisyatibang nagawa niya para sa pulisya at para sa publiko, na nagpapakitang nararamdaman niya kung ano ang kailangan ng publiko, na kaya aniyang tugunan ng kaniyang liderato bilang hepe ng pulisya.

Giit ng Napolcom chief na ang kailangan ng pambansang pulisya ay isang action man na kayang gampanan ang kaniyang trabaho at tungkulin, bagay na naipapakita at nagagawa naman aniya ng PNP Chief.

Ang nalalabing isang puntos aniya ay maaaring magsilbing inspirasyon ni Torre para gampanan ang kaniyang tungkulin.

Paglilinaw ng opisyal na ang gradong 9.9 ay hindi dahil nagkukulang pa ang hepe ng pambansang pulisya sa kaniyang tungkulin kundi kailangan ding magkaroon siya ng inspirasyon sa kaniyang paggampan sa trabaho.

Si Torre ang kauna-unahang Philippine National Police Academy graduate na naging PNP Chief mataops ang deka-dekadang paghawak ng mga Philippine Military Academy graduate sa pinakamataas na PNP position.