-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Philippine Olympic Committee (POC) na magpapatuloy ang paghakot ng medalya ang mga atleta ng bansa na sumasabak ngayon sa Southeast Asian Games (SEA) Games sa Bangkok, Thailand.

Sa unang araw pa lamang ng pagsabak ay nakasungkit na ng dalawang gintong medalya mula sa swimming at taekwondo.

Bumandera sina Kayla Sanchez, Xiandi Chua, Chloe Isleta, at Heather Santos sa women’s 4×100 meters freestyle relay sa loob ng tatlong minuto at 44.26 segundo.

Una ng nakamit ni Justin Kobe Macario ng Taekwondo ang isang gintong medalya ng mangibabaw ito sa men’s poomsae individual freestyle.

Naputol niya ang pamamayagpag ng Singapore sa nasabing event na hawak nito ng limang taon.

Magugunitang sinabi ng POC na target nilang makamit ang kahit na ikaapat na puwesto at mahigitan ang performance noong 2023 SEA Games.