CEBU CITY – Magpapatupad ng maximum tolerance ang Police Regional Office (PRO) 7 sa mga isasagawang kilos protesta ng mga militanteng grupo kasabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan nitong Biyernes.
Sinabi ni PRO-7 Regional Director B/Gen. Albert Ferro na aarestuhin pa rin ang mga lalabag sa mga patakaran ng general community quarantine (GCQ) lalo na dito sa Cebu City.
Dagdag pa ni Ferro, naglabas ng kautusan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na sisitahin ang mga magtitipon-tipon upang maiwasan na magkahawaan pa sa COVID-19 lalo na ngayong patuloy na tumaas ang kaso nito sa lungsod.
Napag-alaman na ang ilan sa mga nagpoprotesta noong nakaraang linggo ay nagmula sa mga barangay sa Cebu City na amay mataas na kaso ng virus.
Inaasahang magsasagawa ng kilos protesta ngayong araw ang mga militanteng grupo kabilang ang Bayan Muna-Cebu na pinamumunuan ni Jaime Paglinawan na kasama sa naaresto ng mga pulisya noong Hunyo 5 kasama ang iba pa sa harap ng University of the Philippines-Cebu.