Pinayuhan ng mga mambabatas ang Department of Education (DepEd) na maging maingat at isaalang-alang ang mga praktikal na aspeto tulad ng logistics at kapasidad na tumanggap ng mga pagbabago bago tuluyang palawakin ang school-based feeding program (SBFP).
Ginawa ng mga ito ang pahayag sa gitna ng masusing pag-aaral at pagtalakay ng House Committee on Basic Education and Culture hinggil sa mga panukalang batas na naglalayong isama ang lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 sa SBFP.
.
Mayroon ding mga panukala na isinasaalang-alang ang posibleng pagpapalawig ng programa upang masakop pati ang mga mag-aaral sa Junior at Senior High School na nakararanas ng kakulangan sa nutrisyon.
Ayon kay DepEd Bureau of Learner Support Services Director Miguel Angelo Mantaring, ang kagawaran ay bukas sa ideya ng pagpapalawak ng programa upang masakop ang lahat ng mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Gayunpaman, nagpahayag ng pagkabahala si Committee Chair Roman Romulo ukol sa kakayahan ng DepEd na ipatupad ang isang malawakang feeding program na sasakop sa tinatayang 26 milyong estudyante nang hindi naaapektuhan o masasakripisyo ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga mag-aaral.
Aminado si Director Mantaring na ang DepEd ay wala pang sapat na kapasidad upang suportahan at pangasiwaan ang isang implementasyon na kasing lawak ng iminungkahing pagpapalawak.
















