Mariing nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala silang inilabas na anunsyo ng suspensyon ng klase para ngayong Lunes, Agosto 11, 2025.
Ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya, hindi naglabas ng anumang “walang pasok” advisory si DILG Secretary Jonvic Remulla, at ang mga ganitong anunsyo ay ipinapahayag lamang sa pamamagitan ng kanilang opisyal at beripikadong mga channel.
Dagdag pa ng DILG, ang mga local government units (LGUs) at ang Department of Education (DepEd) ay maaari ring mag-anunsyo ng suspensyon ng klase sa kani-kanilang nasasakupan gamit ang kanilang opisyal na plataporma.
Anila, ang paggamit sa pangalan ng DILG o ng kalihim upang magpakalat ng maling impormasyon ay labag sa batas at maaaring humantong sa legal na aksyon.
Hinimok ng ahensya ang publiko na maging mapanuri at magbahagi lamang ng beripikadong impormasyon mula sa mga opisyal na pahina ng pamahalaan.
Para sa mga lehitimong anunsyo ukol sa suspensyon ng klase, lagay ng panahon, at iba pang mahahalagang abiso, makipag-ugnayan lamang sa mga opisyal na social media accounts at website ng DILG, LGUs, at DepEd.