-- Advertisements --

Pinalawak ng Department of Education (DepEd) ang mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan at anti-bullying sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng Kaagapay Program, na layong gawing katuwang ang mga magulang at tagapag-alaga sa pangangalaga ng mga mag-aaral.

Batay sa DepEd Memorandum No. 002, s. 2026, itinuturing ang mga magulang bilang co-educators na tumutulong sa pagpapalakas ng values formation, positive discipline, at learner well-being sa tahanan bilang suporta sa mga programa ng paaralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mas napapalakas ang suporta sa mga mag-aaral kapag sama-samang kumikilos ang pamilya at paaralan sa paghubog ng asal at pag-unawa sa pinagdadaanan ng kabataan.

May nakalaang P100 milyon para sa pagpapatupad ng programa sa buong bansa, kabilang ang parent engagement sessions at advocacy campaigns upang maisalin ang mga polisiya ng paaralan sa praktikal na aksyon sa loob ng pamilya.

Kasabay ng Kaagapay, ipinatutupad din ang P2.9 bilyong School-Based Mental Health Program na nakabatay sa Republic Act No. 12080, na nag-uutos sa pagpapalakas ng mental health services at suicide prevention sa mga paaralan.

Sa pamamagitan ng Kaagapay, tiniyak ng DepEd na ang mga magulang ay hindi lamang tagamasid kundi aktibong katuwang sa paglikha ng ligtas, suportado, at inklusibong kapaligiran para sa mga mag-aaral.