Na-stranded sa mga pantalan ang kabuuang 266 na katao dahil sa masungit na panahong dala ng bagyong Wilma, batay sa report ng Philippine Coast Guard (PCG).
Kasama sa mga stranded ang 3 vessel, 6 na motorbanca, at 91 rolling cargoes.
Umabot naman sa 19 na barko ang mas piniling makisilong pansamantala sa mga pantalan, habang pinapalipas ang masungit na panahon.
Ang mga na-stranded na pasahero, batay sa report ng PCG, ay mula sa Southern Tagalog at Northeastern Mindanao kung saan pansamantala silang nananatili sa limang magkakahiwalay na pantalan.
Pinakamarami rito ay ang mga nagmula sa Northeastern Mindanao na aabot sa 237 katao.
Sa kasalukuyan, ilang shipping lines na rin ang sunod-sunod na nag-abiso ng kanselasyon ng biyahe kaya’t posibleng madadagdagan pa ang naturang datus habang patuloy na nananalasa ang bagyong Wilma sa karagatan ng bansa.
















