KALIBO, Aklan— Hinamon ng Akbayan Party si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumawa ng matapang na hakbang kontra korapsyon.
Ito ang naging sentro ng panawagan ng grupo sa kanilang paglahok sa Second Trillion Peso March sa EDSA noong November 30, 2025.
Ayon kay Akbayan president Rafaela David, sawa na ang publiko sa mabagal na imbestigasyon kung saan, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natukoy, nakasuhan at nahuli ang malaking isda na nasa likod ng malawakang korapsyon at katiwalian sa bansa.
Maliban dito, hinimok din ng grupo si Marcos na i-certify as urgent ang Anti-Political Dynasty Bill, na itinuturing nilang mahalagang tugon sa lumalalang galit ng publiko sa korapsyon at dinastiyang pampulitika.
Tiyakin aniya na pag election ay hindi na maaaring tumakbo ang mula sa political families dahil sa hindi natin kailangan pumili sa isa o dalawang pamilya kung kaya’t nararapat na lahat sila ay i-ban na.
Babala pa ni David, ang isyu umano sa flood control ay sintomas lamang ng mas malalim na bangayan ng mga dinastiya at ng malawakang sistematikong katiwalian.
















