Ikinumpara ni Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy ang korapsyon sa mga kalamidad at binigyang-diin na ito ay isang “chosen disaster” na dulot ng kasakiman.
Sa kanyang homily kahapon, Nobyembre 25, kasabay ng 426th annual fiesta celebration ng Archdiocesan Shrine of St. Catherine of Alexandria sa Carcar City, sinabi ni Archbishop Uy na bagama’t ang bagyo at lindol ay nakakawasak ng mga bahay, hindi ito makakasira ng moral at pagkakaisa ng isang bansa tulad ng kayang gawin ng korapsyon.
Ipinaliwanag din ng Arsobispo na ang bagyo at lindol ay natural na kalamidad, samantalang ang korapsyon ay bunga ng mga desisyong ginagawa ng mga tao, partikular ang pagpapasya na unahin ang kasakiman at materyal na bagay kaysa sa Diyos.
“An earthquake may break roads and bridges but corruption breaks trust, justice, institutions and moral conscience of a nation. Ang bagyo ug linog, natural disaster but ang corruption, chosen disaster. Corruption happens because there are people who choose greed over service, who chose money over God,”saad ng Arsobispo.
Pinagdiinan din ni Archbishop Uy na ang korapsyon ay isang pagsuway sa Diyos, lalo na kung ang gumagawa nito ay isang Kristiyano.
“Ang kurakot nga Kristiyano, usa ka contradictory nga persona. A Christian and a corrupt person cannot exist at the same time,”dagdag pa nito.
Hinimok naman niya ang lahat na magsanib-pwersa upang sugpuin ang korapsyon sa kanilang mga komunidad, at maging bukas sa pagsisiwalat ng anumang uri ng katiwalian.
Hinikayat din nito ang lahat ng mananampalataya na sumali sa SuPaKK (Sugbuano’ng Pakigbisog Kontra Kurapsyon) rally sa darating na Nobyembre 30, na isang peaceful movement para sa transparency, accountability, at good governance laban sa korapsyon at hindi makatarungang mga aksyon ng mga opisyal.
















