Sinabi ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maaaring akuin ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagiging utak sa umano’y crimes against humanity sa war on drugs upang mailigtas si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court.
Ayon kay Sereno, maaari umanong maging testigo si Dela Rosa at kung magiging kapani‑paniwala ang kanyang pahayag, posibleng mapalaya ang dating pangulo.
Dagdag pa niya, kung tunay na mahal ng senador si Duterte, dapat nitong akuin ang buong responsibilidad sa mga nangyaring pagpatay sa kampanya kontra droga. Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police sa unang bahagi ng administrasyong Duterte at pangunahing nagpapatupad ng madugong drug war.
Binigyang‑diin ni Sereno na dapat pagnilayan ng senador kung nagdulot ba ng tamang resulta ang kanyang mga naging aksyon, lalo’t hindi naman nasugpo ang ilegal na droga at panandalian lamang ang naging epekto ng takot.
Nananatiling kontrobersyal ang drug war matapos kilalanin ng pamahalaan ang mahigit 7,000 nasawi, habang tinatayang umaabot sa 12,000 ang bilang ayon sa human rights groups.
Samantala, hindi pa pumapasok sa Senado si Dela Rosa mula nang mabalitang may arrest warrant umano mula sa ICC, at nabigo rin siyang makakuha ng temporary restraining order mula sa Korte Suprema laban sa pagpapatupad nito.
















