Pinawalang sala ng Sandiganbayan ngayong Biyernes, Disyembre 5 si dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima kasama ang 16 na iba pang dating mga opisyal ng PNP at incorporators ng Werfast Documentation Agency, Inc. sa kasong graft may kaugnayan sa kanilang pagkakasangkot sa maanomaliyang courier services contract noong 2011.
Sa desisyon mula sa Sixth Division ng anti-graft court, nabigo umano ang prosekusyon na patunayan ang “guilt beyond a reasonable doubt.”
Kaugnay nito, walang ipinataw ang korte na pananagutang sibil laban kina Purisima at inalis na ang hold departure orders sa mga ito.
Una rito, taong 2016, nakita sa pag-iimbestiga sa ilalim ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na sangkot ang PNP sa mga serbisyo ng kompaniya para sa delivery ng license cards ng mga baril para sa mga rehistradong nagmamay-ari ng mga baril sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement noong Mayo 2011 kahit pa walang prior track record ang kompaniya bilang courier service.
Nadiskubre rin ng Ombudsman na walang isinagawang public bidding para sa naturang kontrata at nangolekta ang kompaniya ng P190 para sa deliveries sa Metro Manila, mas mataas kumpara sa pinapataw ng ibang courier na P90 sa parehong lugar.
Kabilang sa kapwa akusado ni Purisima na naabswelto ay ang mga dating PNP officials Napoleon Estilles, Gil Meneses, Raul Petrasanta, Allan Parreño, Eduardo Acierto, Melchor Reyes, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista, Ford Tuazon, at Ricardo Zapata, Jr., gayundin ang Werfast incorporators na sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena, at Juliana Pasia.
















