Naghahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa inaasahang pananalasa ng bagong bagyo sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagpasok ng low pressure area (LPA) sa Philippine Area of Responsibility at tuluyang naging Tropical Cyclone Wilma.
Kasabay nito ay itinaas na ng DSWD ang Blue Alert status nito, na nangangahulugan ng mas mahigpit na paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo at maagap na pagtugon sa kalagayan ng mga maaapektuhang residente.
Inatasan na rin ng DSWD ang mga regional office nito na tinutumbok ng bagong sama ng panahon na magbantay at maglabas ng akmang abiso para sa mga residente.
Kaakibat ng naturang status ay ang pag-alerto sa DSWD Field Offices para sa agarang mobilisasyon ng Quick Response Teams, Camp Coordination and Camp Management, at paghahanda ng food at non-food items para sa mga ililikas na residente.
Tiniyak din ng ahensiya ang sapat na supplies para sa mga maaapektuhang pamilya.
















