-- Advertisements --

Negatibo sa Covid-19 virus si PNP OIC PLt. Gen. Guillermo Eleazar, matapos sumailalim sa RT-PCR test.


Ayon kay Eleazar, bilang close contact ni PNP Chief PGen. Debold Sinas, na unang nag-positibo sa Covid 19, nagpasuri din siya kahapon at ngayong umaga lumabas ang resulta.

Huling nakasama ni Eleazar si PNP Chief noong Miyerkules, at bago iyon ay halos araw-araw niyang kasama, pero palagi silang naka-face mask at face shield.


Sinabi ni Eleazar, patunay lang ito na malaking tulong sa pag-iwas na mahawaan ang sakit ang palagiang pagsunod sa minimum health protocols.

Una nang sinabi ni Eleazar na klasipikado bilang “low risk” ang mga close contacts ng isang nag-positibong indibidual kung sila ay naka-face maak at face shield at sumunod sa physical distancing, habang “high risk” naman ang mga hindi.

Samantala, Siniguro naman ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nasa mabuting kalagayan ngayon si PNP Chief.

Ayon kay Eleazar, maayos ang kalagayan si Sinas na ngayon ay nasa Isolation Facility sa loob ng Kampo Crame.

Tuloy-tuloy umano ang kanilang pag-uusap para sa mga pang-araw-araw na takbo ng PNP bilang isang organisasyon.

Pinayuhan naman ni Eleazar ang lahat ng mga nagkaroon ng close contact sa Chief PNP na obserbahan ang sarili at kung kinakailangan ay magpasailalim sa RT PCR test gagawin ito.

Giit ng heneral na maging ang mga miyembro ng PNP Press Corps na nagkaroon ng exposure kay Sinas noong Miyerkoles March 10 ay isasalang din sa RT-PCR swab test ngayong araw.


March 11 araw ng Huwebes nang ibinalita mismo ni Gen Sinas na siya ay nagpositibo sa COVID 19.