-- Advertisements --

Ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon ni Cassandra Li Ong na layon sanang maipawalang bisa ang kanyang kinakaharap na kasong qualified human trafficking.

Kung saan hindi pinaburan ng naturang korte ang ‘Petition for Certiorari’ ni Ong na mapa-annul at maipasantabi ang resolusyong inilabas ng Prosecutor General noong Abril 2025.

Sa inilabas na pitong-pahinang resolusyon ng Court of Appeals 13th Division, iginiit nitong hindi kumbinsido ang korte sa mga naging argumento ni Ong dahil sa hindi pagsunod o pagdaan sa tamang proseso.

Nakasaad sa inisyung desisyon ang pagkuwestyon nito sa pagdiretso agad ng akusadong si Cassandra Li Ong sa appellate court nang hindi muna naghahain ng apela sa Department of Justice o DOJ.

Si Cassandra Li Ong kasama sina former presidential spokesperson Harry Roque at ilan pa ay kasalukuyang kinakaharap ang kasong qualified human trafficking.

Ito’y bunsod ng pagiging sangkot at pagkakaugnay nila sa ilegal na aktibidad ng Philippine Offshor Gaming Operator (POGO) hub na Luck South 99 Corporation sa Porac, Pampanga.