Itinutulak ng election watchdog na National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) ang pagkakadelara sa mga araw ng national election bilang regular non-working holiday.
Ayon sa grupo, tiyak na lalawak pa ang partisipasyon ng mga botante sa panahon ng halalan kung matatangal ang ‘work-related barrier’ o hindi na sila oobligahing pumasok sa trabaho sa araw ng botohan.
Bahagi rin ito ng mas malawak na pagprotekta sa karapatan ngmga Pilipino na bumuto o pumili ng mga susunod na magiging lider ng bansa.
Maliban sa mga national and local election, nais din ng grupo na maisama ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) atbpang uri ng halalan.
Ayon sa Namfrel, ang barangay elections ay nagrerepresenta sa pinaka-direktang democratic participation ng mga Pilipino na tiyak na makaka-apekto sa pamamahala sa mga komunidad.
Ang panukalang idelara bilang regular non-working holiday ang araw ng halalan para sa national level ay nakapaloob na sa House Bill 102, 3101 at 3102.
Ayon sa Namfrel, suportado nila ang tatlong panukalang batas, ngunit mas mainam na maisama rin ang BSKE day kung saan inaasahan at kinakailangan din ang mas aktibong pakikibahagi ng mga botante ng bansa.
















