-- Advertisements --

Mas pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya upang sugpuin ang lumalalang problema ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at Internet Gaming Licensees (IGLs) sa bansa.

Ang hakbang na ito ay bilang pagtugon sa patuloy na paglaganap ng mga iligal na operasyon na nagkukubli sa iba’t ibang anyo ng negosyo.

Ang pagpapatindi ng kampanya ay naganap matapos papurihan ni Acting PNP Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Southern Metro Manila District Field Unit at ang Southern Police District (SPD) para sa kanilang mabilis at epektibong pagtugon sa mga ulat ng iligal na aktibidad.

Binigyang-diin ni Nartatez ang kahalagahan ng kanilang ginawa sa pagpapanatili ng kaayusan at paglaban sa kriminalidad.

Kamakailan lamang, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad kung saan nagsilbi sila ng Warrant of Arrest. Ang operasyong ito ay humantong sa pagkakadiskubre ng isang iligal na POGO/IGL hub.

Ang hub na ito ay natagpuang nagtatago sa likod ng isang IT-BPO firm sa isang establisyemento na matatagpuan sa Upper McKinley Hills, Taguig City.

Ang nasabing operasyon ay ikinasa sa mahigpit na pakikipag-ugnayan at koordinasyon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Binigyang-diin ni Nartatez na ang ganitong uri ng operasyon ay nagpapakita ng patuloy na pagtatangka ng mga sindikato na mag-operate ng illegal gaming activities sa bansa, kahit na mayroon nang national ban na ipinatupad.