Nag-kampeon ang New York Knicks sa NBA Cup Tournament matapos duminahin ang championship round laban sa San Antonio Spurs.
Isang matagumpay na 4th quarter comeback ang ginawa ng Knicks matapos hawakan ng Spurs ang single-digit lead mula una hanggang ikatlong quarter ng laban.
Pagpasok ng 4th quarter, pinangunahan nina OG Anunoby at Jalen Brunson ang opensa ng Knicks at sa tinambakan ang Spurs ng 16 big points sa loob ng 12 mins (35-19).
Dahil sa impresibong opensa, hindi lamang nabura ang single-digit lead ng San Antonio kungdi lumamang pa ang New York ng 11 big points sa pagtatapos ng regulation, 124-113.
Nagpasok ng limang 3-pointers si Anunoby sa kabuuan ng laban at ibinulsa ang 28 points, siyam na rebounds, at tatlong assists. Gumawa naman ng 25 points at walong assists si Brunson.
Bagaman pitong players ng San Antonio ang gumawa ng double-digit scores, hindi ito naging sapat upang ibulsa sana ng koponan ang unang NBA Cup trophy sa kasaysayan nito.
Ang Knicks ang ikatlong team na makapagbulsa ng NBA Cup trophy mula noong sinimulan ang tournament noong 2023. Una itong naiuwi ng Los Angeles Lakers at sinundan ng Milwaukee Bucks.
Samantala, muling magbabalik ang regular games ng NBA bukas, Dec. 17, 2025.
















