Ipinagmalaki ng House of Representatives na ang sektor ng edukasyon ang may pinaka malaking pondo sa 2026 national budget na naitala sa kasaysayan ng bansa.
Itinakda ng House version ng 2026 General Appropriations Bill ang pinakamalaking pondo para sa edukasyon na umabot sa ₱1.28 trilyon o 4.1 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP).
Ito ang inihayag ni House Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing.
Sinabi ni Suansing na nagdagdag ang Kamara ng ₱56.6 bilyon para sa sektor ng edukasyon, na unang beses na lumagpas sa 4 porsiyentong international benchmark para sa education spending.
Malaking bahagi ng dagdag-pondo ang inilaan sa Basic Education Facilities Program, na aabot sa ₱63.2 bilyon at inaasahang magpapagawa at magpapaayos ng humigit-kumulang 25,200 silid-aralan sa 2026.
Ganap ding pinondohan ng Kamara ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) program, tinutugunan nito ang ₱12.3 bilyong kakulangan ng 114 state universities and colleges sa unang pagkakataon mula 2017.
Aabot naman sa ₱52.2 bilyon ang kabuuang pondo para sa UAQTE at iba pang scholarship at training programs, na makikinabang ang tinatayang 2.49 milyong mag-aaral sa buong bansa sa 2026.
Ayon sa Kamara, bahagi ito ng mas malawak na reporma sa badyet upang matiyak na ang 2026 budget ay tumutugon sa pambansang prayoridad at nagdudulot ng konkretong benepisyo sa mga pamilyang Pilipino.
















