-- Advertisements --

Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na kasalukuyan nang umuusad ang case build up para sa kaso ng 34 na mga nawawalang sabungero sa ilalim ng kanilang Internal Affairs Service (IAS).

Sa isang pulong balitaan sa Kampo Krame, tiniyak ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na katuwang nila ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pangunguna ni NAPOLCOM Commissioner, Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan sa isinasagawang case build up ngayon ng kanilang IAS dahil sa mga disiplinary actions na ipapatupad ng NAPOLCOM.

Ani pa ni Torre, maliban sa pakikipaugnayan nila sa NAPOLCOM, ang PNP ay susunod rin sa proseso ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) dahil sila na mismo ang nangangasiwa sa imbestigasyon sa naturang kaso na ito ng mga nawawalang sabungero.

Sa kabila nito ay nakahanda nman aniya ang kanilang hanay na ibigay ang mga detalye at impormasyon na maaaring kailanganin sa imbestigasyon at nakahanda rin aniya sila magbigay ng karagdagang manpower at suporta kung sakali man hilingin at kailanganin ng mga katuwang na ahensya para sa mabilis na pagresolba sa kaso.

Kasunod nito ay tiniyak din ng hepe na suportado niya ang mga hakbang na ginagawa ngayon ng NAPOLCOM bunsod sa naging mga pahayag ng isa sa mga akusado na si alyas ‘Totoy’ na mayroong hindi bababa sa 20 mga pulis ang sangkot sa kidnapping case ng mga sabungero.

Buo ang kanilang magiging suporta sa kung ano man ang magiging direksyon na tatahakin ng NAPOLCOM sa imbestigasyon upang matiyak na magiging patas at magiging maayos ang paggulong ng imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Samantala, nagiwan naman ng kaniyang menshae ang hepe sa mga pulis na hindi umano’y sangkot at may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero simula pa noong taong 2021.

Aniya, titiyakin nila bilang organisayon na lahat ng karapatang pantao ng mga sangkot ay mapoprotektahan at mabibigyan ng karapatan sa tamang proseso.

Sa kasalukuyan ay patuloy na isinasagawa ng NAPOLCOM katuwang ang mga iba pang ahensya ang kanilang motu propio investigation at nagiwan rin ng babala na wala silang kikilingan at agad na tatanggalin sa serbisyo ang sinumang mapatunayang sangkot sa kaso.