Inihayag ng Office of the Ombudsman na target nitong ihain ngayong linggo ang kasong plunder laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, pipirmahan niya ang information laban sa senador bago ito isumite sa Sandiganbayan, na inaasahang maisasampa sa Huwebes. Bukod sa plunder, kasama rin ang iba pang kaugnay na kaso.
Nauna nang inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng plunder, graft, at direct bribery charges laban kay Estrada at ilang opisyal, kabilang si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan.
Ipinaliwanag ni Remulla na bahagyang naantala ang paghahain ng kaso dahil kinailangang ayusin at linawin ang resolusyon upang mas maging matibay ang ihahaing impormasyon.
Dagdag pa ng Ombudsman, may iba pang sangkot sa kaso ngunit ang ilan ay posibleng gawing state witnesses dahil mahalaga ang kanilang testimonya sa imbestigasyon.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Estrada ang anumang pagkakasangkot sa iregularidad at iginiit ng kanyang kampo na wala umanong ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa sinasabing kickbacks.
















