Mariing itinanggi ng PNP General Hospital ang kumakalat na ulat na may pulis umano na nag-positibo sa COVID-19.
Ayon kay Major Duds Santos, officer-In-charge at spokesperson ng Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame, sore throat o pamamaga ng lalamunan lang ang naramdaman ng pulis na nagpa-check up sa kanila kamakailan.
Wala rin aniya itong ubo, sipon at mataas na lagnat taliwas sa balita na kumalat sa kampo.
Ayon sa opisyal, dinala sa emergency room ang pulis at lumabas sa laboratory result na bacterial infection ito.
Hindi na rin kinuhanan ng swab sample dahil na clear na siya ng Department of Health (DOH).
Pinasinungalingan din ng opisyal na hindi rin totoo na naka-lock down ang PNPGH.
Nilinaw naman ni Santos na ang nakitang lubid na nasa bisinidad ng ospital ay nagsisilbing COVID line para lang sa kaayusan nang sa gayon ay maging organisado ang pagpasok at paglabas ng mga pasyente na nais magpa-check up.
Sa ngayon anya, walang pulis na patient under investigation na naka-confine sa PNPGH.