-- Advertisements --

Nasawi ang isang 19 anyos na lalaking pasahero ng sinasakyang van matapos itong naaksidente kaninang madaling araw, Hunyo 2, sa Barangay Poblacion, Tayasan, Negros Oriental.

Sugatan sa aksidente ang tatlong indibidwal hindi na pinangalanan kabilang ang 26 anyos na babae na residente ng Guihulngan City; 18 anyos na babae mula sa Canlaon City habang malubhang sugat sa katawan ang natamo ng 57 anyos na drayber, residente rin ng Canlaon City.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Pcapt Arturo Marfil III, officer-in-charge ng Tayasan Municipal station, sinabi nitong mula sa Canlaon City patungong Dumaguete City ang biyahe ng naturang pampasaherong sasakyan.

Batay pa sa kanilang imbestigasyon, nang dumating sa pakurbadang bahagi ng lugar ay nawalan umano ng kontrol ang drayber kaya nag-overshoot ang sasakyan at bumangga sa malaking putol na punong-kahoy.

Sinabi pa ni Marfil na nagtamo ng sugat ang lahat ng sakay ng naturang sasakyan kaya agad itong isinugod sa Tayasan rural hospital at kalaunan ay inilipat sa Bindoy District Hospital.

Patuloy namang nagpapagaling sa ngayon ang mga biktima kabilang ang drayber habang doon na sa pagamutan binawian ng buhay ang 19 anyos.

Nagpapatuloy naman ang kanilang isinagawang imbestigasyon kaugnay sa mga insidente.

Paglilinaw pa nito na hindi naman umuulan nung mangyari ang aksidente at hindi rin naman umano nakainom ang drayber ng sasakyan.

Panawagan pa nito sa lahat ng mga motorista at mga bumibiyahe na dapat mag-ingat ng mabuti habang nagmamaneho, iwasang uminom kapag may dalang sasakyan lalo na pag mga malalayong biyahe at doble ingat sa mga daan na medyo alanganin.