-- Advertisements --

Hinimok ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang mga motorista na makipagtulungan sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Sa isang panayam, sinabi ni Dizon na maganda ang naging unang linggo ng implementasyon ng NCAP, ngunit marami pa rin aniya ang mga motorista ang nagtatangkang lokohin ang sistema.

Nanawagan si Dizon sa publiko na magpatuloy na makipagtulungan sa gobyerno upang mapabuti pa ang pagpapatupad ng naturang patakaran.

Samantala, nagbabala naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na magtatangkang takpan ang kanilang mga plaka upang makaiwas sa pagkuha ng larawan sa ilalim ng NCAP.

Una nang sinabi ng isang grupo ng mga motorcycle riders na nagpa-plano sila ng isang protesta laban sa NCAP sa Lunes, Hunyo 3.

Ayon sa kanila, kailangan pang pag-aralan nang maigi ang implementasyon ng NCAP. Nais din nilang ipatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang programa at tutukan muna ang pagpapaganda ng mga kalsada, mga palatandaan, at mga lane markings bago ipatupad ang nasabing patakaran.