Naghain ng mga reklamo ang National Bureau of Investigation kasama ang Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police laban sa ilang indibidwal na sangkot sa naganap na kidnapping sa mga foreign nationals sa Batangas.
Ayon kay NBI Director Ret. Judge Jaime B. Santiago, ang naturang kaso ay nag-ugat mula sa mga intelligence reports at inisyatibong isinagawa sa kolaborasyon ng NBI-organized and Transnational Crimes Division, at ng PNP-Anti-Kidnapping Group.
Sinimulan umano ang naturang imbestigasyon nang mapaulat ang insidente ng kidnap-for-ransom noong May 2, 2025 kung saa’y 2 Chinese at 1 Koreano ang sinasabing dinukot habang patungo sana ng Nasugbu, Batangas.
Naharang raw ang mga biktima nang sitahin sa isang pekeng check-point malapit sa Kaybiang Tunnel ng Cavite-Batangas boundary.
At dito na anila’y nagpanggap ang mga suspek bilang ‘law enforcement officers’ para sapilitang madukot ang kanilang mga nabiktima.
Kaya’t sa tulong ng koordinasyong isinagawa at sa pagtutulungan ng ga kabahaging ahensya ng mga awtoridad, nagbunga ito upang boluntaryong isuko ng isa sa mga suspek ang kanyang sarili.
Dito niya isiniwalat ang kanyang pag-amin o extrajudicial confession na siya’y sangkot sa planong pagdukot o pangki-kidnap.
Kanyang inilahad ang mga nalalaman pati ang itinuturong mastermind sa likod ng naturang insidente na responsible sa operasyon at execution ng kidnapping.
Bunga ng mga ebidensyang nakuha at nakalap ng mga awtoridad kasama pati ang mga sinumpaang salaysay, call logs, litrato, at iba pang testimonya, nagtaguyod ito para magkaroon ng probable cause at masabing dawit nga ang naturang suspek sa kaso.
Kaya’t kahaharapin ng kinilalang si Jomar P. Ubarde ang mga reklamong may kinalaman sa Conspiracy to Commit Kidnapping for Ransom sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code ng inamnyendahang R.A. No. 7659 kaugnay ng R.A. 9372 o ang Human Security Act.
Ang naturang tagumpay na operasyon at koordinasyon g iba’t ibang ahensya ay sa tulong rin anila ng inilunsad ni Justice Secretary Jesus Crsipin Remulla na Inter-Agency Task Force Against Kidnapping noon nakaraan.