-- Advertisements --

Taliwas sa pahayag ni Senator-elect Vicente Sotto III, naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. 

Sa pahayag, sinabi ni Pimentel, ang impeachment process ay sui generis o natatangi — ang anyo, pamamaraan, at substansyal na argumento sa impeachment aniya ay kahalintulad ng mga nararanasan sa isang paglilitis sa mismong Korte. 

Sa ilalim aniya ng 1987 Constitution, ang Senado ang impeachment court kaya maihahalintulad ito sa isang Korte. 

Tulad ng hukuman, ang trabaho aniya ng Senado bilang isang impeachment court ay hindi dapat maapektuhan ng pagbabago sa mga miyembro nito. 

Makikita aniya ang prinsipyong ito sa mga Korte o electoral tribunals kung saan ang kaso ay hindi nawawala o binubura tuwing nagkakaroon ng pagbabago sa mga miyembro. 

Kaya lamang aniya nagiging political process ang impeachment ay dahil ang proseso ng decision making ay hindi  ginagabayan o ibinabatay sa umiiral na standard of proof.

Samantala, hindi naman na nagkomento si Senador Sherwin Gatchalian nang matanong ito kung posible bang tumawid mula 19th Congress patungong 20th Congress ang paglilitis laban sa bise presidente. 

Kinumpirma naman ni Gatchalian na natanggap na nila ang robe na susuotin sa impeachment trial. 

Bukod dito, may mga paghahanda na rin daw siyang ginagawa para sa nakaambang paglilitis. 

Para naman kay Senador Joel Villanueva, na first time tatayong senator-judge sa impeachment trial, nagkaroon na ang kanilang tanggapan ng mga konsultasyon sa iba’t ibang justices. 

Nilinaw ng senador na hindi naman siya nag-hire ng legal team kundi konsultasyon lamang sa mga eksperto at nagkaroon na ng mga karanasan sa paglilitis. 

Kinumpirma rin ng senador, na natanggap na niya ang robe na susuotin para sa impeachment trial.