Maituturing nang dismissed o ibinasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kung hindi matatapos ang paglilitis bago ang June 30, 2025.
Ito ang iginiit ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa kanyang manifestation sa plenaryo ng Senado.
Ayon kay Tolentino, hindi maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment trial dahil sa kawalan ng constitutional authority.
Paliwanag pa nito, 12 senador lang ang natira sa Kongreso matapos ang eleksyon at hindi ito sapat para makabuo ng quorum.
Samantala, tinutulan naman ni Senadora Risa Hontiveros ang inihayag ni Tolentino.
Giit ng senadora, sa ilalim ng 1987 constitution, inaatasan ang Senado na ipagpatuloy ng walang pagkakaantala ang nasimulang impeachment process.
Nabahala naman ang senadora dahil sa paulit-ulit na pagkaantala sa proseso ng impeachment trial.
Sobra na aniya ang paghihintay ng mga Pilipino at umaasa ang senadora na ito na ang huling pagkaantala.
Bagama’t suportado raw ng senadora na maipasa ang mga mahahalagang panukalang batas bago matapos ang 19th Congress, hindi na aniya maaaring ipagpaliban pa ang kanilang mga tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
Giit pa nito, ang anuman aniyang pagkaantala sa pagsisimula ng paglilitis laban kay Duterte ay tahasang paglabag sa Konstitusyon kung saan malinaw na dapat agad-agad simulan ng Senado ang impeachment trial.