Nanindigan si Marcus Adoro, lead guitarist ng Eraserheads, na inosente siya sa mga alegasyong sexual abuse na muling lumutang sa social media noong Marso 30, 2025.
Matatandaan na isang netizen ang nag-post sa social media platform na Reddit na pinagsamantalahan umano siya ni Adoro noong siya’y high school pa lamang. Giit pa niya, hindi lang siya ang biktima, kundi marami pang iba, kabilang na umano ang aktres na si Barbara Ruaro at ang anak ni Adoro na si Syd Hartha, na parehong nagbunyag noon ng umano’y pang-aabuso mula sa gitarista.
Dahil dito, pansamantalang tinanggal si Adoro sa Eraserheads, ayon kay Ely Buendia. Subalit noong Mayo 31, inanunsyo ng Electric Fun Music Festival na kasama na muli si Adoro sa concert ng banda sa Oktubre 18.
Ayon sa festival producers, ilang beses nang itinanggi ni Adoro ang mga paratang at aktibo na raw itong inaaksyunan sa legal na paraan.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng mga organizer na hindi nila kinukunsinti ang anumang uri ng abuso, ngunit naninindigan silang dapat igalang ang due process at hindi basta husgahan sa social media ang isang akusado.
Hanggang sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Adoro o ang Eraserheads kaugnay sa kanyang pagbabalik sa banda.