-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Binigyan ng dalawang linggo ang Special Investigation Task Group (SITG)-Brabante para tapusin ang imbestigasyon hinggil sa pananakit ng isang police official sa isa ring pulis.

Sinasabing nabulag ang kanang mata ni P/MSG Ricky Brabante ng Regional Mobile Force Battalion matapos hampasin ng basag na bote ni P/Col. Dulnoan Dinamling Jr., na regional commander ng Aviation Security Group 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5, una nang binuo ang SITG na tututok sa insidente para sa pagsasampa ng kasong administratibo laban sa suspek.

Na-relieve na rin si Dinamling at nasa restrictive custody na ng Aviation group.

Una nang personal na binisita ng PNP (Philippine National Police) chief ang biktima para sa medical assistance habang “closed-door” ang pakikipag-usap sa itinuturong suspek.

Samantala, pakiusap ni Calubaquib na hintayin muna ang resulta ng pagsisiyasat kasabay ng pagtitiyak na makakamit ang katarungan para sa biktima.